Mahigit 20k suplay ng bakuna kontra COVID-19 ang inilaan ng lokal na pamahalaan ng Maynila para sa mga menor de edad
Sa 23, 354 na bakuna, 22, 854 dito ay Pfizer habang ang natitirang 500 ay Moderna vaccines.
Ang naturang bakuna ay gagamitin bilang pagsisimula sa pagbabakuna sa 12 hanggang 17 taong gulang.
Nakatakdang gawin ang pagbabakuna sa mga kabataan ngayong araw sa Ospital ng Maynila Medical Center o OMMC mamayang alas-8 ng umaga.
Sinabi ni OMMC Hospital Director Dr. Karl Laqui, nasa 50 menor de edad na may comorbidities o yung mga kabilang sa A3 priority group ang uunahing mabakunahan.
Base naman sa datos ng Manila health department, nasa 42,394 ang bilang ng mga kabataan na nagpa-pre-register sa manilacovid19vaccine.ph.
Umaasa ang lungsod na madadagdagan pa ang kanilang suplay ng bakuna kontra COVID-19 upang mapabilis ang pagbabakuna sa mga kabataan.