Muling nagpaalala sa publiko ang Manila City Government hinggil sa mga bibisita sa sementeryo para sa kanilang yumaong mahal sa buhay sa nalalapit na Undas.
Sa anunsiyo ng Manila LGUs, mahigpit na ipinatutupad ang pagsusuot ng frace mask sa loob ng sementeryo upang maiwasan ang hawaan o pagkalat ng Covid-19.
Ayon kay Manila City Mayor Honey Lacuna, inaasahan na nila ang posibilidad na hindi masunod ang physical distancing dahil sa posibleng dami ng mga bibisita sa October 29 hanggang November 2.
Iginiit ni Lacuna na kahit na open space ang sementeryo, kailangan pa rin ng matinding pag-iingat para na rin sa kapakanan at proteksiyon ng bawat isa.
Dahil dito, nanawagan si Lacuna sa mga residente, lalo na sa hindi pa bakunado, na gamitin ang naturang okasyon bilang isang oportunidad upang makapagpabakuna na laban sa Covid-19.
Sinabi ng Alkalde na maaari ring mag-avail ng libreng Covid-19 vaccine sa anim na public hospitals sa lungsod, gayundin sa mga health centers.
Ipinagbabawal naman na pumunta sa sementeryo ang mga batang edad 12 pababa; mga may comorbidities; at hindi bakunado.