Iimbestigahan ng Department of Interior and Local Government o DILG si Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada kaugnay sa umano’y dalawampu’t pitong ghost barangay na una nang kinuwestyon ng Commission on Audit o COA.
Batay kasi sa COA, nakatanggap ng isandaan at walong milyong real property tax shares ang dalawampu’t pitong ghost barangay.
Dahil dito, ayon kay DILG officer-in-charge Eduardo Año, ay kinakailangan nilang magsagawa ng imbestigasyon kahit pa sangkot ang Alkalde.
Dagdag pa ni Año, seryoso ang administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa paglaban sa kurapsyon sa pamahalaan kung kaya’t walang sinoman ang sasantuhin nito.
DILG iimbestigahan ang anomalya sa 27 ghost barangay
Aalamin ng Department of Interior and Local Government (DILG) kung saan napunta ang kita mula sa bayad sa amilyar sa lungsod ng Maynila.
Kasunod na rin ito nang pagbubunyag ng Commission on Audit (COA) na inilaan ng Manila City Government ang tatlumpung porsyento ng koleksyon nito sa buwis sa siyam na raan at dalawampu’t tatlong barangay sa lungsod kung saan dalawamput pito rito ay non-existent o wala talagang ganyang barangay sa lungsod.
Batay sa record ng liga ng mga barangay, ang lungsod ng Maynila ay mayruon lamang walong daan at siyamnapu’t anim na barangay.
Tiniyak ni DILG officer-in-charge Eduardo Año na wala silang sasantuhin sa usapin dahil kailangan lamang nila ay mga impormasyon kaya’t iimbestigahan nila ang usaping ito.
Ayon sa COA, malaking bahagi ng halos 109-million-peso allotment ay hindi pa naipapalabas hanggang nuong June 2017.