Inaprubahan ni Manila Mayor Isko Moreno ang nasa P38.4 million na paunang bayad ng lungsod para sa kanilang biniling 800,000 dose ng COVID-19 vaccine sa AstraZeneca.
Ayon sa Manila Public Information Office, katumbas ang naturang halaga ng 20% advance payment ng lungsod.
Sa ipinalabas na pahayag ni Moreno, kaniyang iginiit na mass vaccination kontra COVID-19 ang susi para tuluyang makabawi ang ekonomiya sa pamamagitan ng muling pagbubukas ng mga negosyo, paggalaw ng mga tao at makahanap muli ng trabaho.
Sinabi naman ng Manila PIO na sasapat ang inorder na doses ng lokal na pamahalaan para mabakunahan ang umaabot sa 400,000 mga indibiduwal.