Muling ipinaalala ng Manila Water sa mga residenteng kanilang sineserbisyuhan na mag-igib at mag-imbak ng sapat na suplay ng tubig.
Kasunod ito ng ipatutupad na 7 oras na paghina ng suplay ng tubig ngayong araw simula alas-10:00 mamayang gabi hanggang alas-5:00 ng umaga kinabukasan, Setyembre 22.
Partikular na inalerto ng Manila Water ang kanilang mga kliyente sa ilang barangay sa Makati, Mandaluyong, Marikina, Pasig, Parañaque, ilang bahagi ng Quezon City, San Juan, Taguig.
Gayundin ang ilang barangay sa mga bayan ng Angono, Antipolo, Cainta at Taytay sa lalawigan ng Rizal.
Paliwanag ng Manila Water, gumagawa na sila ng mga kaukulang hakbang upang paghandaan ang epekto ng nagbabadyang mas matinding El Niño at matiyak na magiging sapat ang suplay ng tubig hanggang sa susunod na taon.
By Jaymark Dagala