Naglabas na ng bagong schedule ng kanilang ipatutupad na rotational water service interruption ang Manila Water kasunod ng pagbabawas ng alokasyon sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) dahil sa patuloy na pagbabas ng lebel ng tubig sa Angat Dam.
Batay sa abiso ng Manila Water, kabilang sa mga maapektuhan ng service interruption ang kanilang mga customers sa Makati, Mandaluyong, Manila, Marikina, Pasig, Pateros, Quezon City, San Juan, Taguig at Pateros.
Gayundin ang mga bayan ng Angono, Antipolo, Binangonan, Cainta, Rodriguez, San Mateo, Taytay at Teresa sa Rizal.
Para sa kumpletong listahan ng mga lugar at oras na mawawalan o magkakaroon ng suplay ng tubig, maaaring bisitahin ang official facebook page ng Manila Water.
Metro Manila apektado ng rotational water service interruption
Milyon-milyong mga kabahayan sa Metro Manila ang inaasahang maaapektuhan ng mga ipatutupad na rotational water service interruption simula ngayong araw.
Ito ay matapos muling bawasan ng National Water Resources Board (NWRB) ang alokasyon ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) dahil sa patuloy pa ring pagbaba ng antas ng tubig sa Angat Dam.
Batay sa pinakahuling datos, kahapon ng alas-sais ng umaga, nasa 161.78meters na ang water level ng Angat Dam, halos 2meters na lamang maaabot na nito ang critical water level.
Dahil ditto, napagkasunduan ng technical working group na ibaba na lamang sa 40 cubic meters per second ang alokasyon ng mga water concessionaire sa Metro Manila at kalapit na lugar, mula sa dating 46 cubic meters per second simula ngayong araw hanggang Biyernes.
Ayon kay NWRB executive director Sevillo david Jr., bahagi ito ng kanilang contingency plan para mapangasiwaan ang limitadong suplay ng tubig sa Angat Dam.
Dagdag ni David, sa Hunyo 22 kung kailan inaasahang bababa na sa 160meters critical lvel ang Angat dam, muli silang magbabawas ng alokasyon.
Manila Water at Maynilad customers pinaghahanda na sa rotational water service interruption
Pinaghahanda na ng Manila Water at Maynilad ang kanilang mga customers sa kanilang ipatutupad na mga rotational water service interruption kasunod ng pagbabawas ng alokasyon mula sa Angat Dam.
Ayon sa Manila Water, nasa apat (4) hanggang 17 oras na mawawalan ng tubig ang 80% ng kanilang mga customers.
Katumbas anila ito ng 1 million na kabahayan o 5.4 million katao.
Sinabi ni Manila Water communications manager Dittie Galang, plano nilang isagawa ang rotational water service interruption sa gabi para hindi makaapekto sa araw-araw na aktibidad ng kanilang mga customers.
Samantala, 70% naman ng mga customers ng Maynilad o 1 million service accounts na katumbas ng halos 7 milyong katao ang makakararanas ng mahina hanggang sa walang suplay ng tubig.
Paliwanag ni Maynilad water supply operations head Ronald Padua, 20% sa nasabing bilang ang matinding maapektuhan kung saan posibleng hanggang anim (6) na oras lamang magkakaroon ng suplay ng tubig kada araw.