Nakaranas ng tinatawag na artificial na pagtaas sa demand ng suplay ng tubig ang Manila Water matapos silang magpatupad ng operational adjustment.
Ayon kay Manila Water Communications Manager Dittie Galang, noong Lunes pa lamang, marso a-kuwatro, kanila nang inanunsyo ang nakatakdang pagpapatupad ng water supply contingency plan o pagbabawas sa pressure ng tubig tuwing peak hours.
Layun aniya nito na mapabagal ang pagbaba ng lebel ng tubig sa La Mesa dam sa gitna na rin ng nararanasang El Niño phenomenon.
Gayunman sinabi ni Galang hindi nila inaasahang tataas ang demand sa tubig kahit off peak hours dahil sa pagtugon ng kanilang mga consumers na mag-imbak na ng suplay ng tubig.
Dahil aniya rito, naubos ang dalawang water reservoir ng Manila Water na nagresulta naman sa mas dumami pang lugar na nawalan ng suplay ng tubig.
“Nangyari po noong Miyerkules hanggang Huwebes ng madaling araw hindi po kami nakapag-puno ng reservoir. Kaya pagdating po ng Huwbwes ng gabi medyo mayroon tayong dalawang reservoir na bumaba ang level. Dahil dito marami tayong kababayan nawalan ng tubig simula pa noong Huwebes ng gabi sa Quezon City, Mandaluyong, San Juan at Pasig,” Pahayag ni Galang.
Tiniyak naman ni Galang na kanila nang ginagawa ang lahat para mabigyan ng suplay ng tubig ang mga apektadong lugar.
Imbestigasyon sa biglaang water service interruption inihirit
Iginiit ni Bayan Muna Representative Carlos Isagani Zarate ang pagsasagawa ng imbestigasyon sa naranasang biglaang pagkawala ng suplay ng tubig sa ilang bahagi ng Metro Manila.
Ayon kay Zarate dapat imbestigahan at panagunitin ng MWSS ang mga water concessionaires sa kanilang hindi maayos na serbisyo at pagpapabaya.
Kasabay nito, hinimok ni Zarate ang publiko na maging mapagmatiyag sa posibilidad na magamit ang nangyaring water service interruption para palabasing may krisis sa tubig sa bansa.
Una nang humingi ng paumanhin ang Manila Water matapos makaranas ng biglaang pagkawala ng suplay ng tubig ang ilang lugar sa Metro Manila partikular nasa Mandaluyong, Pasig at San Juan.
Gayundin ang anunsyo ng Maynilad na water service interruption sa kanlurang bahagi ng Metro Manila hanggang Lunes, Marso 11.
Maynilad nagabiso ng water service interruption
Nagabiso rin ng water service interruption ang Maynilad sa ilang lugar sa Metro Manila ngayong araw.
Ayon sa Maynilad, posibleng makaranas ng mahinang pressure ng tubig o mawalan ng suplay ang ilang bahagi ng Metro Manila simula alas nuwebe ng umaga kanina hanggang ala sais ng gabi mamaya.
Kabilang sa mga apektado ang ilang barangay sa Las Piñas City at Parañaque City.
Gayundin sa pitong barangay sa Bacoor City, Cavite; dalawang barangay sa Muntinlupa City.
Habang hanggang alas otso naman ng gabi ang water service interruption sa barangay almanza dos sa Las Piñas City at mga barangay ng Poblacion at Tunasan sa Muntinlupa City.
Ang nasabing emergency water service interruption ay bunsod naman ng mataas na demand ng suplay sa bahagi ng Putatan Water Treatment Plant ng Maynilad.