Pinagbabayad ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ang Manila Water ng mahigit P1B matapos ang naranasang krisis sa supply ng tubig sa Metro Manila at mga bayan sa Rizal noong nakalipas na buwan.
Sa kabuuang P1.134B, P532.05M ang multa habang P600M ay gagastusin para makapagpaggawa ng bagong water supply source.
Ang kautusan ay bahagi ng sanction ng MWSS laban sa Manila Water matapos ang kakulangan sa supply ng tubig.
Ayon sa MWSS, nilabag ng Manila Water ang kanilang obligasyon sa ilalim ng concession agreement na makapagbigay ng tuluy-tuloy na serbisyo sa kanilang customers sa east concession zone.
Manila Water, susunod sa multang ipinataw ng MWSS
Susunod ang Manila Water sa multang ipinataw ng MWSS matapos ang naranasang problema sa suplay ng tubig nuong isang buwan.
Ayon kay Manila Water President at CEO Ferdinand Dela Cruz, handa silang bayaran ang financial penalty na ipinataw ng MWSS kahit pa hindi naman sila ang ugat o dahilan nang naranasang kakapusan sa supply ng tubig.
Muling inihayag ni Dela Cruz na ang nangyaring kakapusan sa supply ng tubig ay dahil sa hindi sapat na alokasyon ng tubig para sa Manila Water mula sa Angat dam.
Taong 1997 pa aniya nang ibigay ang 1,600 mld na alokasyon ng raw water kung kailan tatlong (3) milyon lamang ang concessionaires nila sa east zone, taliwas ngayon na nasa pitong (7) milyon na.
Senado bubusisiin ang naging basehan ng MWSS
Bubusisiin ng Senado ang naging basehan ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) sa ipinataw nitong mahigit isang bilyong pisong multa sa Manila Water.
Ayon kay Senate committee on public services chair Sen. Grace Poe, dapat mabigyan ng kopya ang Senado sa naging batayan ng MWSS sa ipinataw nitong penalty upang matukoy kung tama ang ipinataw nitong halaga ng multa.
Aniya, matagal na itong hinihintay ng mga naapektuhang customers sa naranasang water crisis noong buwan ng Marso.
Kaugnay nito, pinapurihan naman ni Sen. Risa Hontiveros ang Manila Water sa ipinataw nitong multa sa Manila Water.
Aniya, patunay lamang ito na may kapangyarihan ang ahensiya na obligahin ang Manila Water na tiyaking epektibong mapagsilbihan ang kanilang mga customers. (sinulat ni Ashley Jose)