Inanunsiyo ni Manila City Mayor Isko Moreno na bubuksan na sa publiko ang Manila Zoo ngayong araw, January 19.
Magsisimula ang pagbubukas sa naturang pasyalan mula alas-8 ng umaga hanggang alas-8 ng gabi kung saan, inaasahang dadagsa ang mga nais bumisita sa lugar.
Ayon kay Moreno, nasa isanlibong bisita kada araw ang libreng makakapasok sa Manila Zoo kasabay ng pagbabantay ng pamahalaang lokal ng Maynila para malaman kung tumataas ang bilang ng mga pumapasok dito.
Ang Manila Zoo ay may lawak na limang ektarya na kayang tumanggap ng hanggang 16,000 indibidwal.
Para sa mga nais bumisita at makapag-avail ng libreng ticket, magrehistro lamang sa kanilang official website na www.manilazoo.ph dahil hindi umano tumatanggap ng mga walk in registration ang Manila LGU.
Ang bawat naka-enroll na indibidwal ay bibigyan ng kani-kanilang QR code na ipapakita sa kanilang pagpasok bilang tiket.
Ang mga senior citizen, gayundin ang mga menor de edad na 12 hanggang 17, ay papayagang makapasok sa Manila Zoo dahil maaari silang magkaroon ng kanilang COVID-19 shots sa loob ng pasilidad pero ang mga gustong magpabakuna ay kailangan munang magparehistro sa www.manilacovid19vaccine.ph.
Hinikayat din ni Moreno ang mga bibisita na magdala ng sarili nilang pagkain dahil hindi pa available ang mga food stall sa loob pero maaari namang kumain sa labas ng nasabing pasyalan. —sa panulat ni Angelica Doctolero