Isang magandang hakbangin para mas mapaunlad ang rehabilitasyon sa Manila Bay ang pansamantalang pagpapasara ni Manila Mayor Joseph Estrada sa Manila Zoo.
Ito’y ayon kay Department of Environment and Natural Resources o DENR Undersecretary Jonas Leones makaraang matukoy na isa ito sa mga pangunahing nagtatapon ng maruming tubig sa Manila Bay.
Patuloy naman aniya ang pakikipagtulungan ng Manila Zoo sa ahensya maging sa lokal na pamahalaan ng Maynila para patuloy na maisaayos ang waste treatment process facility ng naturang zoo.
“Magandang development ‘yan, nakipag-ugnayan kami sa Office of the City Mayor at sinabi namin ang mga nakita nating violation kailangang ayusin, so agaran namang ipinasara ng local government ang Manila Zoo.” Ani Leones
Samantala, nakaamba ring ipasara ang ilang malalaking establisyamento sa Maynila na kasalukuyang nakikitang nag-aambag ng malaking porsyento ng waste-water patungong Manila Bay.
“Nakikita lang namin although hindi pa namin puwedeng i-reveal pero meron kaming tinitignan na malalaking establishment gaya ng Ospital ng Maynila, Harrison Plaza, kung maayos ang kanilang waste water facility, kasi ‘yun ang malalaking establishment na nakikita namin na talagang nagdi-discharge ng waste water patungo sa Mnaila Bay.” Dagdag ni Leones
Manila Bay rehabilitation
Nakatakdang pormal na ilunsad ang malakihang rehabilitasyon ng manila bay sa darating na ika-27 ng Enero sa pangunguna ng DENR.
Ayon kay DENR Undersecretary Jonas Leones, aprubado na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang inisyal na mungkahing 42 bilyong pisong pondo na ilalaan para sa proyekto.
Pangunahing tututukan ng DENR ang pagtukoy at paghadlang sa mga pangunahing pinanggagalingan ng dumi sa Manila Bay upang mas mapabilis ang paglilinis rito.
Makikipag-ugnayan din, ayon kay Leones, ang ahensya sa National Housing Authority at Department of Interior and Local Government o DILG para sa agaran at unti-unting paglilipat ng mga informal settlers na nakatira sa paligid ng Manila Bay.
Inaasahan namang makita ang malaking pagbabago sa Manila Bay sa loob ng tatlong taon.
(Ratsada Balita Interview)