Obligado nang magpa-swab test ang mga umuuwing residente ng Maynila na nagbakasyon sa labas ng lungsod nitong holiday season simula kahapon, Enero 2.
Batay sa memorandum na ipinalabas ng Manila Health Department (MHD), kinakailangang sumalang sa RT-PCR test bago tanggapin sa kanilang barangay ang mga Manileños upang maiwasan ang muling pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa siyudad.
Ayon kay Manila Public Information officer Julius Leonen, lahat ng mga magbabalik na residente ay dapat magtungo para sa libreng swab test sa mga sumusunod na quarantine facilities:
*District 1 – T. Paez Quarantine Facility
*District 2 – Patricia Sports Complex Quarantine Facility
*District 3 – Arellano Quarantine Facility
*District 4 – Dapitan Sports Complex Quarantine Facility
*District 5 – San Andres Sports Complex Quarantine Facility
*District 6 – Bacood Quarantine Facility
Ang mga magpopositibo ay kailangang manatili sa quarantine facility habang iisyuhan naman ng medical certificate ang mga magnenegatibo bago payagang umuwi sa kanilang mga bahay.