Aminado ang kampo ni Presumptive President Ferdinand “Bongbong” Marcos na ikinagulat nila ang manipestasyon ng kampo ni Vice President Leni Robredo na kumikilala sa integridad ng resulta ng halalan.
Ayon kay Atty. Vic Rodriguez, Spokesman ni Marcos at Incoming Executive Secretary, nasorpresa sila sa manipestasyon ni Atty. Macalintal, Election Counsel ni Robredo na tanggapin ang resulta ng halalan.
Isa anya itong patunay ng pagiging makabayan at tumutugon ang lahat sa mensaheng pagkakaisa ng Uniteam noong kampanya.
Dakong alas-2 kahapon nang payagang magbigay ng manipestasyon ang mga abogado ng bawat kandidato kung saan inihayag ni Macalintal na hindi sila tututol sa resulta ng canvassing ng mga Certificates of Canvass.
Ipinabatid pa ni Macalintal sa National Board of Canvassers na wini-waive ng kampo ni Robredo ang pagdalo sa canvassing para sa ikabibilis na rin ng proseso ng bilangan.
Samantala, idinagdag ni Rodriguez na mayroon ng mga lugar na maaaring pagdausan ng oath taking ni BBM pero hindi ito gagawin sa Luneta, Maynila dahil ang nabanggit na lugar ay nagsisilbing COVID-19 field hospital.