Posibleng huling laban na ni Saranggani Representative Manny Pacquiao ang anumang boxing match na i-seset para sa kanya ni Bob Arum bago ang eleksyon sa 2016.
Ayon kay Pacquiao, handa na siyang itapon ang kanyang tuwalya sa ibabaw ng ring pagkatapos ng kanyang laban.
Dalawampung (20) taon na rin naman anya siyang boksingero kaya’t panahon na para magretiro.
Una nang nagdeklara si Pacquiao ng kanyang pagkandidato bilang senador sa 2016 elections.
Gayunman, sa ngayon, hindi pa makapagdesisyon ang Pambansang Kamao kung anong partido siya sasama.
Sinabi ni Pacquiao na ihahayag nya ang sasamahang partido sa sandaling maghain sya ng kanyang certificate of candidacy.
Naihaing panukalang batas sa Kongreso
Inamin ni Saranggani Representative Manny Pacquiao na bihira lamang siyang pumasok sa Kongreso.
Ipinaliwanag ni Pacquiao na maraming pagkakataon na kailangan nyang sumabak sa training kaya’t kinakailangan nyang lumiban sa kanyang trabaho sa Kamara.
Gayunman, ang hindi aniya alam ng publiko, marami rin naman syang naihaing panukalang batas bilang kinatawan ng Saranggani.
Sa kanyang unang termino bilang kinatawan, nakapag-akda si Pacquiao ng 11 panukalang batas at co-author ng 45 panukala.
Samantala, 15 panukalang batas naman ang inakda niya sa kasalukuyan at co-author ng 27 panukala.
Kabilang sa mga inakdang panukala ni Pacquiao ang pag-amyenda sa Philippine Sports Commission Act, otomatikong paglalagay ng community fitness center at pagbibigay ng pondo para rito sa bawat barangay, pagbuo ng Philippine Boxing Commission at maging ang panukala na magbibigay ng anim na buwang maternity leave sa mga nanay.
By Len Aguirre