Inutusan na ng COMELEC si Sarangani Rep. Manny Pacquiao na magkomento hinggil sa petisyong isinampa ni dating Akbayan Partylist Rep. Walden Bello laban sa kanya.
Kaugnay ito sa posibleng implikasyon ng magiging boxing fight niya kay Timothy Bradley sa ika-9 ng Abril, eksakto isang buwan bago ang halalan sa Mayo 9.
Sinabi ni COMELEC Chairman Andres Bautista na napag-aralan na ng kanilang Law Department ang sitwasyon ni Pacquiao
Aniya, sakaling magbigay ng komento si Pacman, doon na magbibigay ng desisyon ang COMELEC en banc kung papayagan bang lumaban si Pacman kay Bradley.
Limang araw ang ibinigay na palugit ng COMELEC kay Pacquiao upang magkomento.
Samantala, bukod kay Bello, nagpahayag na rin ng tila pagkabahala sina dating COMELEC Chairman Sixto Brillantes at Commissioner Rowena Guanzon sa maaaring idulot ng boxing fight ni Pacquiao sa kaniyang kandidatura.
Giit nila, dagdag exposure kay Pacquiao ang kaniyang magiging laban lalo’t mapapanuod ito ng maraming tao kabilang na ang mga OFW sa abroad, kung saan natapat din sa petsa ng kanyang boxing fight ang unang araw ng overseas voting.
By Allan Francisco