Handa na ang Korte Suprema na siyang tumatayo bilang Presidential Electoral Tribunal para sa manual recount ng mga balota sa susunod na linggo.
Ito’y para magka-alaman na kung sino kina Vice President Leni Robredo at dating Senador Fedinand Bongbong Marcos ang tunay na nagwagi sa nakalipas na 2016 elections.
Una nang bumuo ng isang Ad Hoc Committee ang PET upang pangasiwaan ang mga bibilanging balota mula sa protested provinces tulad ng Camarines Sur, Negros Occidental at Iloilo.
Isasagawa ang manual ballot mula Abril 2 hanggang Abril 6 at pangungunahan ito ng limampung revision teams na binubuo ng isang taga PET at mga kinatawan mula sa dalawang kampo.
Bantay sarado naman ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard, pambansang pulisya at PET guards ang mga balotang bibilangin at lalagyan din ito ng CCTV cameras.
Kaugnay nito, tila nakahinga naman ng maluwag si Robredo dahil sa wakas ay mailalantad na rin ang katotohanan sa umano’y nangyaring dayaan nuong halalan.
Una nang iginiit ng kampo ni Marcos na kumpiyansa silang mapatutunayan nila sa taumbayan ang nangyaring dayaan batay sa mga inihain nilang ebidensya sa high tribunal.