Nakatakda nang simulan ng Korte Suprema na siya ring umuupo bilang PET o Presidential Electoral Tribunal ang manual counting ng mga balota bukas, Abril 2.
Ito’y bilang bahagi ng inihaing electoral protest ni dating Senador Ferdinand Bongbong Marcos laban kay Vice President Leni Robredo noong nakalipas na 2016 elections.
Gagawin ang manual recount sa gymnasium ng Korte Suprema at Court of Appeals parking building sa Padre Faura sa lungsod ng Maynila.
Kasunod nito, ikinatuwa ni Robredo ang desisyon ng PET na simulan na ang initial ballot revision sa kaniyang kinahaharap na electoral protest.
Aniya, matagal nang naghihintay ang pagsisimula ng manual recount at umaasa siyang matatapos din ito agad upang matigil na ang matagal na isyu na namamagitan sa kanila ni Marcos.
Sa panig naman ni Marcos, sinabi ng tagapagsalita nitong si Atty. Vic Rodriguez na kumpiyansa sila na malalantad na rin ang katotohanan sa likod ng anila’y nangyaring pandaraya noong nakalipas na halalan.
Kabilang sa mga bibilanging balota ay mula sa mga lalawigan ng Camarines Sur, Negros Occidental at Iloilo na siyang nakapaloob sa protesta ni Marcos laban kay Robredo.