Sa palagiang mainit na panahon sa Pilipinas at saksakan ng dami ng mga commuter, tamang-tama lang ang timing ng pagpapatayo ng de-aircon na waiting shed sa Pangasinan.
Ang buong kwento, alamin.
Sa Barangay Poblacion sa munisipalidad ng Mapandan, Pangasinan, makikita ang isang waiting shed na hindi maipagkakailang higit na mas komportable, convenient, at higit sa lahat ay mas presko kumpara sa nakasanayan natin na waiting shed.
Ang sagot sa maalinsangan na panahon at umiinit na ulo ng mga commuter dahil sa traffic at hirap na makasakay? Waiting shed na de-aircon.
Binuksan para sa mga residente ang waiting shed nito lamang katatapos na Disyembre at may kakayahan na mag-accommodate ng bente katao.
Ayon sa mayor ng mapandan na si Karl Christian Vega, mayroon daw mga naitalang insidente nitong nakaraan kung saan ay na-heat stroke ang ilang matanda noong panahon ng tag-init.
Kung kaya naman tamang-tama ang pagbubukas ng waiting shed na siya namang ikinatuwa ng mga residente, lalo na ang mga senior citizen na dahil nakakatulong daw ito na makaramdam sila ng ginhawa at hindi na kinakailangan pang tiisin ang init.
Bukas ang waiting shed mula alas sais ng umaga at magsasara tuwing alas diyes ng gabi para hindi ito gawing tambayan.
Ang 500,000 piso na ginamit sa unang phase ng pagpapagawa ng waiting shed ay nagmula sa development fund ng pamahalaan at lalagyan pa ng solar panel sa 2nd phase ng pagpapagawa nito.
Samantala, plano raw ng LGU na magpatayo ng isa pang de-aircon na waiting shed sa ibang bahagi ng Pangasinan.
Ikaw, napa-sana all ka rin ba nang marinig ang kwento na ito?