Hinahayaan ng Pangulong Aquino na si Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas mismo ang mamili ng kanyang running mate.
Ito, ayon sa Spokesperson ng Liberal Party na si Eastern Samar Ben Evardone ay makaraang iproklama ng Pangulo si Roxas bilang Presidential bet ng kanilang partido.
Ayon kay Evardone, umaasa ang Liberal Party na ikukunsidera ni Senadora Grace Poe na tumakbo bilang Bise Presidente ni Roxas.
Ngunit maging si Senador Chiz Escudero ay ikinukunsidera ng partido na maging ka-tandem ni Roxas.
Maugong din ang mga pangalan nina Department of Transportation and Communications (DOTC) Secretary Jun Abaya at Naga Representative Leni Robredo bilang mga opsyon sa posibleng running mate ni Roxas.
Pagbibitiw ni Roxas
Magbibitiw bilang Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary si Mar Roxas upang hindi maakusahang ginagamit ang posisyon sa pangangampanya.
Ito, ayon kay Liberal Party Spokesperson Ben Evardone, ay dahil na rin sa delicadeza makaraang pormal nang ianunsyo ng Pangulong Benigno Aquino III na si Roxas na ang standard bearer ng partido.
Ayon kay Evardone, sa mga unang buwan pa lamang nitong taon ay sinabihan na ng Pangulo si Roxas na ito ang iieendorso sa pagka-Pangulo para sa 2016 elections.
Samantala, aminado aniya ang Liberal Party na isang hamon para sa kanila ang mababang ranking ni Roxas sa mga pre-election surveys.
Kaya naman sisikapin umano ng partido na makuha ang class d at e na mga botante sa kanayunan dahil ang mga ito ang pinakamarami.
By Avee Devierte