Walang katiyakan na kayang hatakin ng kanyang magiging running mate si Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas para manalong Pangulo sa 2016 elections.
Ayon kay Professor Ramon Casiple, isang political analyst, kalimitang solo solo ang presidential at vice presidential candidate dito sa Pilipinas at hindi nakadepende sa isa’t isa.
Sakali aniyang mahikayat ni Roxas si Congresswoman Leni Robredo na tumakbong Bise Presidente niya, maaaring may mahila rin itong boto para kay Roxas pero hindi ito sapat para maipanalo ang Kalihim.
“Wala tayong record diyan na naghahatakan either way, kapag bumoto ang mga botante ngayon ay on your own ka, in fact halos lahat ng nanalo iba ‘yung Presidente, iba ‘yung Bise Presidente, kung usapin na ito ba ay decisive para manalo, walang ganun.” Ani Casiple.
Ayon kay Casiple, isang mabigat na desisyon para kay Robredo ang kailangan niyang gawin kung tatakbo ito bilang Bise Presidente sa susunod na taon.
Maaari aniyang handa na si Robredo para sa mas mataas na posisyon subalit urong sulong ito dahil kulang pa siya sa karanasan.
“Ito question dito ng malaki yung kahandaan, sa tingin ko kung usapin lang na logically, handa siya sa tingin ko ang problem talaga diyan ‘yung wala siyang karanasan eh, kaya tama ang sinabi niya na ayaw niya, she’s reluctant.” Pahayag ni Casiple.
Paglapit sa masa
Samantala, malalaman na ang epekto ng paglalapit kay Mar Roxas sa masa sa susunod na Presidential survey.
Sinabi ni Senator Serge Osmeña na maganda ang ginagawang approach ng Liberal Party at tiyak na kasama ito sa mga bagay na maaring makaapekto sa susunod na Presidential survey.
Una nang sinabi ni Senator Ralph Recto na makakatulong para sa pagtaas ng ratings ni Roxas ang pormal na pag-eendorso ditto ng Pangulong Benigno Aquino III.
By Len Aguirre | Ratsada Balita | Katrina Valle | Cely Bueno (Patrol 19)