Sisilipin na rin ng Senado ang madugong dispersal ng mga awtoridad laban sa mga magsasaka sa Kidapawan City noong isang linggo.
Ayon kay Senador Koko Pimentel, Chairman ng Senate Committee on Justice and Human Rights, nais niyang malaman ang tunay na pinag-ugatan ng karahasan na nagresulta sa pagkasawi at pagkasugat ng mga magsasaka gayundin ng pulisya.
Sinabi pa ni Pimentel, gagawin ang pagdinig sa University of Southeastern Philippines sa Davao City upang madali para sa mga magsasaka ang dumalo.
Nagpasya aniya siyang gawin sa nasabing pamantasan ang nasabing pagdinig dahil bukod sa hindi ito kalauyan sa Kidapawan City, hindi na kakayanin pa ng mga sugatang magsasaka ang magsadya pa sa Maynila para lamang sa pagdinig.
Kidapawan Mayor
Samantala, bukas si Kidapawan City Mayor Joseph Evangelista sa planong pagsasagawa ng Senado ng sariling imbestigasyon kaugnay sa marahas na dispersal sa lungsod na ikinasawi ng 3 magsasaka.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni Evangelista na makatutulong ito upang magkaroon ng kalinawan sa insidente.
Nauna nang inihayag ni Senate Committee on Justice and Human Rights Chairman Koko Pimentel na magpapadala ang senado ng isang komite na magsasagawa ng pagdinig sa University of Southeastern Philippines sa Davao City sa Huwebes.
“Mas mabuti po yan para matignan natin kung ma-present ang dalawang side at version at makita natin kung ano ang pagkukulang at pagkakamali ng magkabilang grupo para makita na ang katotohanan.” Ani Evangelista.
Tahasan ding sinabi ni Evangelista na hindi totoo ang napabalita na nagkaroon ng food blockade sa Kidapawan City.
“Wala naman pong food blockade, misinformation po yan, nakita naman po natin at nabasa natin sa social media, ang atin lang naman po ay yung mga papasok pa sana na magre-reinforce sa loob ay pinipigilan natin kasi ayaw na nating madagdagan ang problema pero ang distribution ng bigas wala naman pong problema yun even before, wala naman pong food blockade.” Pahayag ni Evangelista.
Fact finding team
Nagtungo na sa Kidapawan City, North Cotabato ang binuong fact finding team ng Philippine National Police upang imbestigahan ang marahas na dispersal sa rally ng mga sinasabing magsasaka.
Ayon kay PNP Spokesman, Chief Supt. Wilben Mayor, layunin ng binuong grupo na mabatid kung ano ang tunay na naganap sa Kidapawan at kung bakit nauwi sa pagkakasugat kamatayan ng tatlong raliyista at pagkasugat ng halos 100 pulis.
Tiniyak ni Mayor na magiging patas sila at ipapataw ang kaukulang parusa sa mga kabarong mapapatunayang may naging paglabag sa police operational procedure.
Ang binuong fact finding team ay pinumumunuan ni Dir. Isagani Nerez, Director for Integrated Police Operation ng PNP Western Mindanao.
By Jaymark Dagala | Drew Nacino | Jonathan Andal | Meann Tanbio | Ratsada Balita