Nais paimbestigahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang marahas na dispersal ng mga pulis sa mga demonstrador sa harap ng embahada ng Amerika sa Maynila.
Nakarating sa Pangulo ang ulat sa kasagsagan ng kanyang state visit sa bansang China at sinabi nito na kanyang aalamin kung ano ang puno’t dulo nito.
Kaniyang tatawagan ang mga opisyal ng pulisya upang malaman ang kalagayan ng nangyaring girian sa pagitan ng mga pulis at mga katutubong lumad gayundin ng mga Moro.
Muling iginiit ng Pangulo na kanyang papayagan ang lahat na magpahayag ng kanilang saloobin sa pamamagitan ng demonstrasyon ngunit dapat lamang tiyakin na walang sinumang Pilipino na mapeperhuwisyo lalo ang mga motoristang bumabaybay sa lugar na pinagdarausan ng kilos protesta.
PNP
Inatasan ng liderato ng Pambansang Pulisya ang National Capital Region Police Office o NCRPO na imbestigahan ang marahas na dispersal ng Manila Police District sa mga katutubong Lumad at Moro na nag-rally sa harap ng US Embassy.
Ayon kay PNP Spokesman S/Supt. Dionardo Carlos, saklaw ng imbestigasyon ang pananagutang kriminal at sibil ng mga lider at iba pang personalidad sa hanay ng mga militanteng grupo.
Pinagtatagni-tagni na rin ani Carlos ng PNP ang lahat ng impormasyon at sitwasyon na bumabalot sa marahas na paghaharap ng MPD at ng militanteng grupo.
Nakalulungkot aniyang marami ang nasaktan sa insidente na nagsimula sa pagsugod ng mga demonstrador sa maliliit na defensive formation ng MPD Civil Disturbance Management Contingent na nakatalaga sa lugar.
Kasunod nito, tiniyak naman ni Carlos na nabigyan naman ng atensyong medikal ang mga partidong nasaktan kapwa mula sa hanay ng pulisya gayundin ng mga raliyista.
By Jaymark Dagala | Aileen Taliping (Patrol 23) | Jonathan Andal (Patrol 31)