Nagbabala si Senador Bongbong Marcos na maaaring maulit ang marahas na Kidapawan dispersal kung hindi maglalatag ang gobyerno ng maayos na patakaran sa agrikultura na mangangalaga sa mga karapatan ng mga magsasaka.
Ito ang inihayag ni Marcos makaraan ang pagdinig ng Senate Committee on Justice and Human Rights sa Kidawapan dispersal.
Matatandaang nauwi sa marahas na dispersal ang kilos prostesta ng mga magsasaka sa Kidapawan City, North Cotabato noong isang linggo.
Senate hearing
Pagpapalusot at pagsisinungaling lang daw ang ginawa ng mga opisyal ng gobyerno sa ginawang pagdinig noong Huwebes ng Senate Committee on Justice and Human Rights sa Kidawapan dispersal.
Ayon kay Senador Alan Peter Cayetano, talagang sinikap ng administrasyong Aquino na i-downplay ang kabiguan nila na matulungan ang mga magsasaka na labis na naapektuhan ng matinding tagtuyot.
Giit ni Cayetano, mismong si North Cotabato Governor Emmylou Taliño-Mendoza na isang Liberal Party member, ang nagsabing tumungo sila sa national government para humingi ng tulong, pero walang dumating na ayuda.
Ayon kay Cayetano, naiwasan sana ang pagpoprotesta ng mga magsasaka kung saan tatlo ang nasawi kung naging maagap ang gobyerno sa pagbibigay ng tulong.
Kinuwestiyon naman ni Senador Koko Pimentel ang pang-i-snob ng mga miyembro ng gabinete na pag-usapan ang Kidapawan dispersal.
Hindi sumipot ang ilang opisyal ng gobyerno sa isinagawang imbestigasyon noong isang araw ng Senate Committee on Justice on Human Rights at sa meeting na ipinatawag kahapon ni Finance and Climate Change Committee Chair Loren Legarda.
Sa ipinatawag na meeting ni Legarda, tanging si NEDA Director General Emmanuel Esguerra ang dumalong cabinet official kasama ang mga undersecretary ng mga Agriculture department, DSWD, Budget and Management, at DENR.
Ayon kay Pimentel, baka excited na ang mga miyembro ng gabinete na mag-exit sa pwesto dahil hanggang June 30 na lang ang kanilang termino kaya wala ng gana ang mga ito na gampanan ang kanilang tungkulin.
By Avee Devierte | Cely Bueno (Patrol 19)