Kumbinsido ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na hindi lehitimong Lumads ang marami sa mga kasama sa Manilakbayan, ang di umano’y grupo ng Lumad na nag-caravan mula sa Mindanao upang iprotesta ang anila’y karahasang gawa ng militar sa kanilang lugar.
Ayon kay Brig. Gen. Joselito Kakilala, Hepe ng Civil Relations Service ng AFP, natatakot lamang ang grupong ito na mawalan ng pakinabang sa mga Lumad sa sandaling magtagumpay ang pagpapatupad ng Ancestral Rights and Indigenous Peoples Act of 1997.
Sa ilalim aniya ng batas ay nabibigyan ng ancestral domain ang mga Lumad ng hanggang 5,000 ektarya ng lupain.
Sinabi ni Kakilala na nangangamba ang New People’s Army o NPA lalo na sa Surigao del Sur dahil marami sa mga Lumad ang hindi na sumusunod sa kanila lalo na sa isyu ng pangongolekta ng revolutionary tax sa mga mining firms.
“Dapat ang manok puti ang gagamitin, eh colored yung manok eh, may kulay yung manok hindi puwede yan sa mga Babaylan eh, ibig sabihin na hindi talaga mga original na mga Lumads yan, hindi mga legit Lumads, infact yung iba nga lider ng mga kilusan nila, yung mga prente ng mga kabila eh.” Ani Kakilala.
Ayon kay Kakilala, noong 1994 ay nagkaroon ng kasunduan ang NPA at mga Lumads sa Surigao del Sur na ang mga katutubo ang magsisilbing kolektor ng revolutionary tax para sa mga rebelde.
Hindi aniya bababa sa tatlo hanggang apat na raang milyon kada taon ang koleksyon na puwedeng mawala sa NPA kung makukuha ng gobyerno ang simpatiya ng Lumads.
“Dinadala ng mga leftist ng militanteng grupo, gumagawa ng isyu kasi natatakot sila kapag makuha na namin ang Lumad sa gobyerno on our side, mawawalan na ng mga New People’s Army, ng mga kampo sa mga base nila doon sa mga ancestral domain ng NPA, yun ang kinatatakutan nila, sa 3 out 4 na NPA, 3 ang Lumads.” Pahayag ni Kakilala.
By Len Aguirre | Ratsada Balita