Aminado ang Malacañang na ang Pangulong Rodrigo Duterte na marahil ang naging Pangulo ng Pilipinas na may pinakamaraming biyahe sa ibayong dagat sa unang taon pa lamang ng kanyang panunungkulan.
Gayunman, ayon kay Presidential Communications Group Secretary Martin Andanar, ang Pangulo rin naman ang may pinakamalaking investments na nakuha mula sa kanyang mga foreign trips.
Sinabi ni Andanar na wala pang isang taon ay pumalo na sa tatlumpu’t limang (35) bilyong dolyar na investments ang naiuwi ng Pangulo mula sa China, Japan, Qatar at iba pang bansang nagbukas ng kanilang ekonomiya sa Pilipinas tulad ng Russia.
Umabot rin anya sa dalawang (2) bilyong dolyar ang agricultural market na binuksan sa Pilipinas ng ilan sa mga bansang binisita ng Pangulo.
“Meron pang underground subway na Japan din ang gagawa, pipirmahan yan ni Presidente Duterte and Prime Minister Shinzo Abe mga last quarter of this year, tapos yung sa Mindanao Railway pa, nagsisimula na lahat, sigurado trabaho dito papasok, isa na tayo sa pinakamabilis na ekonomiya sa mundo, at sa Asya lamang, I understand we are now the fastest.” Ani Andanar
President’s health
Samantala, tiniyak ni Andanar na nasa magandang lagay ang kalusugan ng Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Andanar, tuloy ang trabaho ng Pangulong Duterte kahit na hindi ito nakikita sa publiko.
Matatandaan na hindi sumipot sa paggunita ng Independence Day ang Pangulo noong June 12 at nagpakita lamang ito sa publiko noong June 17 nang dumalaw sa Butuan City Agusan del Norte bago muling nagpahinga.
“Okay si Presidente, nagpapahinga, ibig naman ibig sabihin kung hindi magpakita sa TV at radio ay hindi nagtatrabaho, hindi ibig sabihin ganun eh, ang executive naman kahit nasa loob lang ng opisina, maraming pinipirmahan at maraming pinaplano hindi naman kailangan makita.” Pahayag ni Andanar
By Len Aguirre | Balitang Todong Lakas (Interview)
“Maraming biyahe ang Pangulo pero marami namang nagawa” was last modified: June 27th, 2017 by DWIZ 882