Stranded ang maraming pasahero sa ilang kalsada sa Maynila dahil sa inilargang transport strike ng mga drayber at operator ng jeep.
Sa pag-iikot ng DWIZ patrol, paralisado ang transportasyon sa Punta, Sta. Ana patungong Pedro Gil at Pedro Gil patungong Padre Faura – Guadalupe.
Bagama’t may diniploy na tatlong bus para sa naturang mga ruta ay hindi naman kabisado ng mga drayber ang ruta dito at masyado ring malaki ang bus para sa naturang mga destinasyon.
Nagbibigay naman libreng sakay ang mga sasakyan ng pulis sa naturang lugar habang nakabantay naman ang mga tauhan ng MMDA at LTFRB para ma-monitor ang mga jeep na nagsasagawa ng kilos protesta.
Samantala, nanatili namang normal ang byahe ng jeepney sa Pandacan patungong Pedro Gil dahil pawang mga miyembro ng fejodap ang mga drayber dito na hindi kaisa sa isinagawang transport strike.