Nanganganib mawala ang maraming programa ng pamahalaan sa sandaling suspendihin ang excise tax sa petrolyo.
Tinukoy ni Senador Sherwin Gatchalian ang free college education, suweldo ng mga pulis at sundalo at ang Build Build Build projects na anya’y pawang nakakabit sa excise tax sa petrolyo.
Ayon kay Gatchalian hindi dapat mag-panic sa harap ng pagpalo na ng presyo ng langis sa 80 dolyar kada bariles dahil hindi naman ito permanente at puwede pang magbago.
Sa halip, sinabi ni Gatchalian na dapat maging alisto ang lahat lalo na ang gobyerno sa mga negosyanteng magsasamantala sa sitwasyon at ipatupad na agad ang pagbibigay ng subsidiya sa drivers at operators ng pampublikong sasakyan.
“May mga ini-implement tayo yung unconditional cash transfer, pantawid pasada pero ‘yung pinaka kumbaga ay last resort ay ang suspension ng excise tax on oil, kung matatandaan natin in 2019 may another round pa, ito po ‘yung isang bagay na mino-monitor nating mabuti at kung ang sitwasyon ay lumala pa ay pag-isipan munang mabuti.” Pahayag ni Gatchalian
Samantala, tali ang kamay ng pamahalaan para tugunan ang pagtaas ng presyo ng petrolyo kabilang ang liquefied petroleum gas o LPG.
Ayon kay LPGMA Party-list Representative Arnel Ty, hindi lamang naman ang Pilipinas ang nakakaranas ngayon ng mataas na presyo ng petrolyo kundi ang maraming bansang umaangkat lamang ng langis lalo na ang China.
Ang tanging magagawa aniya ng pamahalaan ay tanggalin pansamantala ang mga buwis na ipinapataw nito sa petrolyo.
“’Yung tariff na itinaas ng US sa China from 1% to 26% buong mundo po ang tinamaan diyan, hindi lang ang Pilipinas, ang dapat nating gawin para bumaba ang petrolyo eh yung VAT natin ay hindi na lang i-apply o kaya ‘yung excise tax, pero ito naman kasi ay income ng gobyerno, papayag ba ang gobyerno?” Pahayag ni Ty
(Ratsada Balita Interview / Balitang Todong Lakas Interview)