Maraming tambay o out of school youth ang tiyak na mahihikayat magbalik eskuwela dahil sa libreng pag-aaral sa kolehiyo.
Paniniwala ito ni Senador Sonny Angara kasunod nang pagpapalabas ng Commission on Higher Education o CHED ng implementing rules and regulations hinggil sa Republic Act 10931 o ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act kung saan libre ang matrikula sa isandaan at labing dalawang (112) state universities and colleges, pitumpu’t walong (78) local universities and colleges at lahat ng technical vocational centers na rehistrado sa TESDA.
Ayon kay Angara, isa sa mga may-akda sa nasabing batas, isa sa bawat sampung Pilipino na may edad anim hanggang beinte kuwatro ay out of school youth at 87 porsyento sa mga ito ay dapat na nag-aaral sa kolehiyo.
Mababa aniya ang bilang ng mga tambay na may edad labing-anim pababa dahil libre ang pag-aaral sa pre-school hanggang high school samantalang wala pang dalawampu mula sa bawat isandaang batang pumapasok sa elementarya ang nakakapagtapos sa kolehiyo dahil sa kahirapan.
—-