Aminado ang MMDA o Metropolitan Manila Development Authority na maraming maaapektuhan ng planong modernisasyon sa hanay ng transportasyon.
Ito ang pahayag ni MMDA General Manager at OIC Tim Orbos kasunod ng ikinasang kilos-protesta at tigil-pasada ng ilang transport group ngayong araw.
Sa panayam ng programang Karambola, ipinaliwanag ni Orbos na matagal nang batid ng transport groups ang planong modernisasyon sa kanilang hanay.
“Hopefully this year ay masimulan na natin yan… I’m not sure of the number of passengers but it should be convenient and safe for the riding public.”
PAKINGGAN: Bahagi ng pahayag ni MMDA GM at OIC Tim Orbos
Itinanggi rin ni Orbos ang iginigiit ng mga grupong tutol sa modernisasyon na may paiiraling memorandum na nagdidikta sa presyo ng mga bagong unit na nagkakahalaga ng pito (7) hanggang walong (8) milyong piso.
“Una talagang brand new ang sasakyan na ipapasok, pangalawa ang desisyon kung anong klaseng sasakyan yan, anong configuration, anong engine, anong fuel ang gagamitin, ito po ay pinag-uusapan na ng sektor nila, kasama na sila sa consultation, pati po yung mga nag-iistrike ngayon matagal nang hinihingi na pag-usapan at upuan ito, ang problema lang po ang ipinipilit nila yung isang draft circular na hindi naman napirmahan ng nakaraang administrasyon na ito daw ang inuutos ng DOTr, hindi po totoo yun.” Dagdag ni Orbos
“Mga pasaway na tsuper ng jeepney kakastiguhin”
May babala ang MMDA sa mga nagtigil pasadang tsuper ng jeepney ngayong araw.
Ayon kay Orbos, tiyak na may kalalagyan ang mga nagtigil pasada na nananakot sa mga kasamahan nilang tsuper para sumali sa kanilang protesta.
Nakatatanggap aniya kasi sila ng mga sumbong na hinaharang umano ng ilang mga nagkikilos-protestang tsuper ang kanilang mga kasamahan at pinagbabantaan ang mga ito kapag hindi sumama sa kanila.
“Hindi nila puwedeng takutin ang gobyerno at hindi nila puwedeng takutin ang mamamayan sa kanilang selfish reasons at sana bumalik sila sa pakikipag-usap sa atin, yung talagang mananakot ngayon at talagang magbibigay perwisyo sa atin, then the full force of the law, we will have to do it, kailangan parusahan ang dapat parusahan.” Pahayag ni Orbos.
Dahil dito, sinabi ni Orbos na mahaharap sa asunto ang sinumang mga tsuper na mapatutunayang nakagawa ng naturang paglabag.
“Ang importante we will pursue the legal means after this, pasensyahan na lang po.”
PAKINGGAN: Bahagi ng pahayag ni MMDA GM at OIC Tim Orbos
By Jaymark Dagala | Karambola (Interview)