Maraming trabaho sa bansa.
Ito ang reaksyon ni Labor Secretary Silvestre Bello III sa resulta ng survey ng Social Weather Stations o SWS kung saan tumaas sa halos 24 percent ang bilang ng walang trabaho sa bansa sa unang bahagi ng 2018 kumpara sa 15.7 percent na unemployment rate na naitala Disyembre ng nakaraang taon.
Sinabi ni Bello na sa kabila ng maraming trabaho sa bansa ay malaking problema naman ang job mismatch.
Sa kabila nito, asahan aniya ang mas maraming trabahong ihahatid ng Build Build Build program ng administrasyong Duterte.
“Andaming trabahong available, andaming nag-a-apply ang problema ay hindi mag-match ‘yung trabaho at yung mga trabante, kagaya ngayon andaming kailangang construction workers, karpintero, welder etc. kaya lang hindi nagma-match, pero in a few months ma-address ‘yung mismatch na ‘yan dahil sa bagong training na ginagawa ng TESDA at CHED, binabago nila ang mga polisiya nila para ‘yung ibibigay na edukasyon ay sa propesyon na kinakailangan ng ating mga industriya.” Ani Bello
Mensahe sa mga manggagawa
Pasensya at pang-unawa.
Ito ang hiling ng pamahalaan sa lahat ng mga manggagawang Pilipino.
Ayon kay Bello, nasa prayoridad ng Pangulo ang kapakanan ng lahat ng nasa sektor ng paggawa.
Tiniyak ng kalihim na ginagawa ng pamahalaan ang lahat ng kanilang makakaya para tugunan ang hinaing at maibigay ang mga pangangailangan at proteksyon para sa mga manggagawang Pinoy.
“Walang ginagawa ang ating Pangulo kundi bigyan ako ng instruction, almost daily ‘yan na huwag pabayaan ang ating mga manggagawa, huwag pabayaan ang ating mga OFW, sinasabi niya na sikapin niyo na matiyak ang security of tenure nila at lahat ng mga benepisyo ay makukuha nila, kaya sa lahat ng mga manggagawa, tiis tiis lang po kayo, hindi po namin kayo pinababayaan.” Pahayag ni Bello
(Balitang Todong Lakas Interview)