Sisimulan na ng Senado ang kanilang marathon hearing o morning – afternoon session sa panukalang P4.1-trillion 2020 national budget ngayong araw.
Ito ay matapos na maihain ni Senate Committee on Finance chairman Sonny Angara ang panukalang pambansang pondo sa susunod na taon sa plenaryo.
Ayon kay Angara, binigyang prayoridad nila sa panukalang 2020 budget ang paglalaan ng sapat na pondo para sa mga programang pangkalusugan, edukasyon, at social services ng pamahalaan.
Pagtitiyak ni Angara, targeted at transparent ang mga ginawang amendments sa budget ng edukasyon, pangkalusugan at social services.
Aniya, mayroong bipartisan concensus para sa pagtataas ng pondo sa pagsasaayos ng mga nasirang eskwelahan ng mga nagdaang kalamidad, school voucher, free tuition fee sa kolehiyo, at school feeding.
Gayundin ang budget para pagtulong sa mahihirap na pasyente at pagdedeploy ng mga nurse at doktor sa mahihirap na lugar sa bansa.