Mistulan nang ghost town ngayon ang Marawi City matapos itong pasukin ng Maute Group.
Ayon kay Marawi City Mayor Majul Gandamra, nananatiling sarado ang mga business establishments at halos lahat ng tanggapan pampribado man o sa gobyerno.
Ang mga residente anya ng syudad na hindi pa lumilikas ay hindi rin lumalabas ng kanilang mga tahanan dahil sa takot na maabutan ng bakbakan sa pagitan ng militar at ng Maute Group.
Sinabi ni Gandamra na maging siya ay hindi na umaalis ng City Hall dahil sa pangamba na kubkubin ito ng mga bandido.
“Merong threat dahil natatakot ang maraming tao, hindi sila makapag-open ng kanilang establishment, ang mga opisina pansamantala pinatigil natin, we do not know kung anong naiisip nila, puwede nilang gamiting human shield ang mga tao at ayaw nating mangyari yun.” Ani Gandamra
Ayon kay Gandamra, mahirap matiyempuhan ang Maute Group dahil nakakalat sila sa iba’t ibang panig ng syudad.
Pangunahing modus anya ng mga bandido ang magpakuha ng larawan sa iba’t ibang parte ng marawi para i-post sa social media upang ipakita na kontrolado nila ang syudad.
“Puwedeng sumiklab ang gulo anytime, hindi natin kontrolado ang iniisip ng isang grupo, regardless of the video kung gaano sila karami still they can instill fear sa mga tao.” Pahayag ni Gandamra
Relief operations
Samantala, makikipagsanib-pwersa na ang Philippine Coast Guard o PCG sa Department of Social Welfare and Development o DSWD para magdala ng relief goods sa mga apektadong residente na naiipit sa labanan sa pagitan ng pwersa ng gobyerno at Maute Group sa Marawi City.
Ayon kay PCG Spokesman Commander Armand Balilo, isasakay sa BRP Batangas ang tatlong (3) trak ng relief goods ng DSWD na kinabibilangan ng bigas, de lata, kape, kumot at banig.
Maliban dito, kasama rin ng PCG ang kanilang medical team na gagawing floating hospital ang naturang barko pagdating ng Iligan Port.
By Len Aguirre / Ralph Obina