Total blackout na ngayon sa Marawi City at ang buong Lanao del Sur.
Ayon kay Nordiana Ducul, general manager ng LASURECO o Lanao del Sur Electric Cooperative, posibleng naapektuhan ng labanan ang mga linya ng NGCP o National Grid Corporation of the Philippines.
Sa ngayon anya ay hindi maka-kilos ang mga tauhan ng NGCP upang ayusin ang mga nasirang pasilidad dahil sa takot na madamay sa labanan sa pagitan ng militar at Maute.
“Yung sa MSU campus gusto talaga ni Presidente na makaalis rin sila pero hindi magawa ng NGCP kasi yung security po nila. Not only Marawi City, the whole area of LASURECO which is 14 municipality and one city”, ani Ducul.
Sinabi ni Ducul na inabandona na rin nila ang kanilang tanggapan sa Marawi City makaraang magtangkang magkanlong doon ang Maute group.
Ayon kay Ducul, sa kabila ng takot ay napilitan syang makipag-usap sa Maute group at binigyan naman sila ng limang (5) minuto para lisanin ang LASURECO.
Ilang sandali lamang anya matapos nilang lisanin ang LASURECO ay sumiklab na ang labanan sa pagitan ng militar at ng Maute group.
“Paglabas na paglabas ko nakarinig na ko ng putok, sumisigaw na ako, sabi ko, ‘Ako yung manager dito’. Tapos hinarap nila ako, pagharap nila sa akin sabi nya ‘Ma’am, lumabas ka na kasi anytime dareating na yung military, magbabakbakan kami’. Sabi ko, ‘Wag nyo kaming idamay’, sabi nila ‘Ma’am proteksyon lang ho ang ipinunta namin dito’. Tapos narinig ko na lang dumaan yung dalawang (2) helicopter kaya na alarm ako kaya I decided to leave. Una binarily nya yung helicopter na dalawa. So, siyempre natakot na ko kasi sabi ko anytime baka yung helicopter bombahin nila kami”, bahagi ng pahayag ni Ducul.
By Len Aguirre | Ratsada Balita Program (Interview)