Hindi masabi ng AFP o Armed Forces of the Philippines kung matatapos na ang krisis sa Marawi City bago ang pagbibigay ng SONA ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Hulyo 24.
Ayon kay AFP Public Affairs Office Chief Col. Edgard Arevalo, mahirap maglagay ng deadline kung kailan matatapos ang gulo sa lungsod dahil sa pa-iba iba anya ang sitwasyon sa lugar ng bakbakan.
Pagtitiyak naman ni Arevalo, ginawa ng militar ang lahat para mailigtas ang nasa isang daan at limampu (150) hanggang dalawang daang (200) sibilyan na maaaring bihag ng Maute Group o naiipit sa loob ng Marawi City.
Dahil dito aniya, ay walang tigil ang operasyon ng militar para tuluyan nang masugpo ang mga kabalabang terorista.
Pagkamatay ng Malaysian national na umano’y financier ng Maute inaalam pa ng AFP
Inaalam na ng AFP o Armed Forces of the Philippines ang katotohanan sa ulat na patay na ang Malaysian national na umano’y financier ng Maute Group.
Ayon kay AFP Spokesman Brig/Gen. Restituto Padilla, itinuturing pang raw information ang report na nasawi sa bakabakan si Mahmud Bin Ahmad at sinisikap pa nilang humanap ng ebidensya ukol dito.
Sinasabing si Ahmad ay nakalikom ng perang nagkakahalaga ng halos tatlumpong milyong piso (P30-M) para sa mga armas ng Maute Group.
Kasama rin si Ahmad sa lumabas na video kung saan makikita ang Maute brothers na sina Abdullah at Omar at ang emir ng ISIS na si Isnilon Hapilon na nagpa-plano ng pag-atake sa Marawi City.
Ulat na nag-aaway-away ang mga lider at miyembro ng Maute dapat siyasatin
Iginiit ni Senate Committee on National Defense and Security Chairman Gringo Honasan ang pag-sisiyasat ukol sa ulat na nag-aaway-away na ang mga lider at miyembro ng Maute Group sa Marawi City.
Ayon kay Honasan, mahirap pang masuri sa ngayon kung makatutulong ang nasabing balita para sa agarang paglutas sa nararanasang krisis sa lungsod.
Binigyang diin pa ng senador na mas mahalagang mapagtuuan ng pansin ang relief operations at mapaghandaan ang rehabilitation para sa mga apektadong residente ng Marawi City.
Una nang sinabi ng AFP na batay sa mga impormasyon mula sa mga nailigtas na sibilyan ay nag-lalaban laban na ang mga lider ng Maute Group dahil sa usapin ng pera.
By Krista De Dios | With Report from Jonathan Andal