Ginunita ang anibersaryo ng paglaya ng Marawi mula sa kamay ng teroristang grupong Maute-ISIS, kahapon.
Naging bahagi nito ang pagalala ng militar sa mahigit 100 sundalong nagbuwis ng kanilang buhay para lamang mabawi ang lungsod sa pagkubkob dito ng Maute.
Sa mensaheng ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief-of-Staff General Carlito Galvez sa ginanap na pagtitipon sa Marawi City, ipinarating nito ang muling pagpapasalamat sa mga sundalong nagpakabayani maging sa mga pamilyang naulila para sa lahat ng ginawa nila para sa bayan.
Umaasa si Galvez na hindi makakalimutan kailanman ang sakripisyong ginawa ng mga sundalong nasawi sa limang buwang bakbakan sa Marawi.
Kabilang din sa pagtitipon ang ilang personalidad na naging bahagi ng kwento ng Marawi gaya ni Father Chito Soganob na isa sa hinostage ng teroristang grupo.