Tiniyak ng Task Force Bangon Marawi na makukumpleto ang rehabilitasyon sa Marawi City bago matapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Hunyo ng 2022.
Ayon kay Task Force Bangon Marawi Chief Secretary Eduardo Del Rosario, maayos na nasusunod ang kanilang binuong master development plan para sa Marawi City, dalawang (2) taon matapos ito kubkubin ng Maute-ISIS group.
Sinabi ni Del Rosario, kanilang inaasahang 90% hanggang 95% makukumpleto sa December 2021 ang rehabilitation efforts sa pinaka-naapektuhang bahagi ng lungsod.
Aniya, matatapos sa October 31 ng kasalukuyang taon ang ginagawang paglilinis sa mga hindi sumabog na bomba at mga naiwang debris ng nangyaring bakbakan sa Marawi City.
Habang sa Disyembre, inaasahang masisimulan na ang mga proyekto sa lungsod tulad ng konstruksyon ng mga imprastraktura.
Maliban dito, sinabi ni Del Rosario na natapos na rin ang pagpapatayo ng nasa 2,200 mga temporary shelters para sa mga residente ng Marawi at madadagdagan pa aniya ito ng 1,000 pabahay sa unang bahagi ng 2020.