Pinamamadali na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang proyektong pabahay para sa mga residenteng naapektuhan ng Marawi Siege matapos ang pag-atake ng mga Maute Group noong taong 2017.
Nabatid na hindi na pinapayagang makabilik sa kanilang mga tirahan ang mga naapektuhan ng giyera dahil malapit umano ito sa lawa at idineklara na itong danger zone.
Sa tulong ng Pamahalaan ng Japan ay mabibigyan ng libreng pabahay ang mga nawalan ng tirahan matapos mawasak o masira sa naganap na giyera.
Ayon sa Task Force Bangon Marawi, binigyan sila ng cash assistance ng pamahalaan upang tulungan ang mga apektadong residente.
Sa naging pahayag naman ni Pangulong Duterte, gumagawa na ng paraan ang Gobyerno upang matulungan at mapunan ang mga kulang para sa Marawi Rehabilitation Projects.
Samantala, siniguro naman ni Task Force Bangon Marawi (TFBM) Secretary Eduardo Del Rosario na matatapos ang proyekto ng pamahalaan bago matapos ang termino ni Pangulong Duterte. —sa panulat ni Angelica Doctolero