Matinding bugbog din ang inabot ng Aegis Juris member na si Marc Anthony Ventura noong sumalang ito sa initiation rites ng fraternity.
Sa pagdinig ng Senado ukol sa pagkamatay ng hazing victim na si Horacio Castillo III, binalikan ni Ventura ang mga pinagdaanan niya nang sumali siya sa Aegis Juris.
Ayon kay Ventura, tumagal ng ilang araw din ang naging pagpapahirap sa kanya kasama ang iba pang mga nagnanais na maging miyembro ng Aegis Juris.
Pero, hindi makakalimutan ni Ventura ang final initiation rites kung saan ito aniya ang pinakamatinding pagpapahirap sa kanilang mga neophyte.
Suot lamang ang kanilang brief, sila aniya ay maka-ilang ulit na pinapalo ng paddle at nakatikim din ng mga suntok sa loob ng 40-minuto.
“The final day, on the final rites yan ba ang pinakagrabeng pagbugbog sayo? Tanong ni Senator Zubiri.
“Masasabi ko pong opo, sa akin po.” Sagot ni Marc Ventura
“Sa suntok, ilang suntok ang inabot mo o ilang oras ang pagsusunotok sayo?” Ani Zubiri
“Siguro po mga 40 minutes po, may interval po kasi kumbaga hindi siya 40 minutes straight na sinusuntok.” Sagot ni Ventura
“Sampal, ilang sampal ang inabot mo?” Tanong ni Zubiri
“Hindi ko po alam.” Pahayag ni Ventura
“Marami?” Ani Zubiri
“Opo.” Dagdag ni Ventura
“Sa paddling gaano karaming paddle ang inabot mo?”
“Sa akin po, sampu.”
Nanindigan si Zubiri na hindi kinakailangan pagdaanan ng mga mag-aabogado ang ganitong pagpapahirap dahil wala naman itong kinalaman sa kanilang magiging propesyon.
“You know that this will not make you a good lawyer, I don’t think this will make you a better person or a better lawyer, kung sundalo ka siguro, alam ko sa PMA and all the other soldiery if you want to join the special forces or intelligence units, they teach you these things or they subject you to these things because the profession deals with either terrorisms, threats of war, you should be able to be of physical mind and body na alam mo kaya mong tanggapin ito, pero abogado, ang pag-aabogado hindi naman po siguro kailangan ng torture and hazing.” Pahayag ni Zubiri
—-