Binaliktad ng Department of Justice o DOJ ang nauna nitong desisyon na nag-aabswelto kay Marine Lt. Col Ferdinand Marcelino sa kasong may kaugnayan sa iligal na droga.
Sa isang resolusyon ni Asst. State Prosecutor Alexander Suarez at inaprubahan ni Senior Deputy State Prosecutor Richard Anthony Fadullon, pinaboran ng DOJ ang motion for reconsideration ng Philippine Drug Enforcement Agency at Philippine National Police-Anti-Illegal Drugs Group o PNP-AIDG.
Batay sa desisyon, nakakita ang DOJ ng probable cause laban kina Marcelino at Chinese national Yan Yi Shou para sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.
Matatandaang naaresto ng PDEA at PNP-AIDG sina Marcelino at Yan sa isang townhouse sa Sta. Cruz, Maynila na tinaguriang “shabu laboratory” noong Enero 21.
Sinasabing naisampa na ng DOJ sa korte ang criminal information laban kina Marcelino at Yan.
PDEA
Kumbinsido ang PDEA o Philippine Drug Enforcement Agency na sangkot si Marine Lt. Col. Ferdinand Marcelino sa illegal drugs operations ng isang Chinese national na nadiskubre noong Enero ng taong ito sa Maynila.
Ayon kay Director Derrick Carreon, Spokesman ng PDEA, ito ang dahilan kayat hindi sila nagsayang ng panahon at iniapela ang naunang desisyon ng Department of Justice na ibasura ang kaso laban kay Marcelino at sa kasama nitong Chinese national na si Yan Yi Shou.
Matatandaan na naaresto si Marcelino at yan sa isang bahay sa Sampaloc Maynila kung saan nakuha rin ang mahigit sa 76 na kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P380 million pesos.
Subalit, ayon kay Marcelino, nagsasagawa lamang siya ng surveillance sa lugar bilang bahagi ng kanyang adbokasiya laban sa illegal drugs na ginagawa na niya mula pa noong maging intelligence operative siya ng PDEA.
Bahagi ng pahayag ni PDEA Director Derrick Carreon
By Jelbert Perdez | Len Aguirre | Ratsada Balita