Ibinunyag ni Senador Leila de Lima ang ‘pressure’ kay dating PDEA agent Lt. Col. Ferdinand Marcelino para tumestigo rin laban sa kanya.
Bilang patunay, binasa ni de Lima ang nai-forward sa kanyang dalawang text message ni Marcelino nitong July 19 at September 5 sa isang common friend nila hinggil sa patuloy na pressure rito para magsalita laban sa senadora.
Ayon sa text message ni Marcelino, hindi pa siya makalabas ng bahay dahil marami ang nagpe-pressure sa kanya para labanan si de Lima kasabay ang pagtiyak na hindi siya bibigay sa anumang panghihimok na tumalikod sa senadora.
Sinabi ni de Lima na binanggit din ni Marcelino sa kanyang text sa kanilang common friend na bubuksan muli ang kaso nito na ayon sa Senadora ay nangyari na.
Bahagi ng pahayag ni Senator Leila de Lima
Motives
Inaalam na ni Senadora Leila de Lima ang motibo sa paglutang ng mga tumestigo sa kamara na nag-uugnay sa kanya sa operasyon ng iligal na droga sa Bilibid.
Naniniwala ang senadora na ilan sa mga ito ay naghihiganti, may itinatago ding baho, binayaran habang ang iba naman ay pinilit lamang na humarap laban sa kanya ng kasalukuyang administrasyon.
Sa ngayon, nais muna ni De Lima na marinig ang lahat ng testimonya ng mga testigo bago gumawa ng mga susunod na hakbang.
Bahagi ng pahayag ni Senator Leila de Lima
Hindi na rin magugulat umano si Senador Leila de Lima kung mapapaharap sa house hearing ang isa pang NBP inmate na si Jaybee Sebastian.
Sinabi ni De Lima na maituturing na government asset si Sebastian na itinuturo ng lahat ng mga testigong humarap sa nakalipas na dalawang araw na pagdinig sa Kamara na siyang direktang may komunikasyon kay De Lima at nangangasiwa umano sa drug money na ibinibigay sa senadora.
Ayon pa kay De Lima, nais din niyang madinig ang testimonya ng iba pang inimbitahan sa pagdinig para idiin siya sa illegal drug trade sa New Bilibid Prison.
Bahagi ng pahayag ni Senator Leila de Lima
Harassing text messages
Inalmahan naman ng senadora ang lantarang pagsasapubliko ng kanyang personal na cellphone number sa hearing ng Kamara hinggil sa operasyon ng ilegal na droga sa New Bilibid Prison.
Ayon kay De Lima, dahil dito, tinadtad aniya siya ng mga text messages na naglalaman ng mga pambabastos, pang-aalipusta at pagbibintang.
Sinabi ng Senadora na hindi niya na magamit ang naturang numero dahil sa pagbaha ng mga mensahe at tawag mula sa kanyang mga kritiko.
Bahagi ng pahayag ni Senator Leila de Lima
By Judith Larino | Ralph Obina | Cely Bueno (Patrol 19)