Nangako ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ipagpapatuloy ang mga hakbang upang mas makapaghanda ang mga Pilipino laban sa malakas na lindol.
Sa isang panayam, siniguro ni Department of Science and Technology (DOST) Secretary Renato Solidum Jr. na ginagawa ng national at local governments ang lahat upang maging handa ang mga komunidad kung sakaling magkaroon ng lindol.
Tiniyak din niya na laging handa ang pamahalaan sa agarang pagkilos sa panahon ng sakuna.
Dagdag pa ng Kalihim, ipinakita ng mga lindol na tumama sa Davao Oriental at Surigao del Sur ang kahalagahan ng pagsasagawa ng drills at pagtiyak na earthquake-resilient ang mga istruktura.
Ipinaalala naman ni Solidum na kung sakaling maabutan ng lindol, manatiling kalmado at laging tandaan na mag-duck, cover, and hold. Binigyang-diin niya na nakadepende ang kaligtasan sa kung ano ang magiging reaksyon sa ganitong sitwasyon.