Inendorso na ni House Speaker Martin Romualdez ang agarang pagpapalabas ng tulong pinansyal na nagkakahalaga ng P150 million para sa mga biktima ng baha sa Davao.
Idadaan ang naturang tulong pinansyal mula sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Kaugnay nito, patuloy rin ang pamimigay ng Office of the Speaker at Tingog Party-list ng 21,000 food packs. Bukod ito sa 30,000 food packs na ipamamahagi naman ng DSWD.
Ayon kay Speaker Romualdez, patuloy na makakaasa ang mga residente ng Davao na nakatutok ang pamahalaan sa kanilang sitwasyon. Aniya, hindi sila magpapaapekto sa mga isyu sa politika at uunahin ang serbisyo sa publiko.