Mas pinaigting pa ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kampanya ng pamahalaan upang maging tourism powerhouse sa Asya ang Pilipinas.
Kasunod ito sa inilabas na ulat ng Department of Tourism (DOT) kung saan naipakitang higit sa 5.45 million ang international visitors ng bansa mula January 1 hanggang December 31, 2023. Para kay DOT Secretary Christina Garcia Frasco, “win for the Philippine tourism industry” ang taong 2023.
Para kay Pangulong Marcos, “reliable pillar” sa pagsigla ng ekonomiya ang tourism sector dahil nagbibigay ito ng kabuhayan sa ilang milyong Pilipino.
Mayroong target na 4.8 million tourist arrivals ang DOT para sa taong 2023. Nalagpasan ng bansa ang target na ito ng higit 650,000. Ayon sa monitoring data ng ahensya, 91.8% dito ay foreigners.
Isa sa mga naging hakbang ng administrasyon upang mas sumigla ang turismo sa bansa ay ang pag-apruba ni Pangulong Marcos sa National Tourism Development Plan 2023 to 2028. Ito ang magsisilbing blueprint at development framework ng pamahalaan para sa tourism sector sa bansa.
Layon ng naturang development plan na magtatag ng industriya ng turismo na nakaangkla sa kultura ng mga Pilipino. Mayroon itong sinusundang seven main objectives:
- pagpapabuti sa tourism infrastructure at accessibility;
- pagpapalawak sa digitalization at connectivity;
- pagpapahusay sa overall tourist experience;
- pagpapantay sa tourism product development at promotion;
- pagpapalawak ng tourism portfolio sa pamamagitan ng multidimensional tourism;
- pag-maximize sa domestic at international tourism;
- at pagpapalakas ng tourism governance sa pamamagitan ng pagtutulungan ng national at local stakeholders.
Alinsunod dito, sinabi ni Pangulong Marcos na isinasagawa na ang mga polisiya at programang magpapabuti sa critical tourism infrastructure at capacity building para sa mga negosyante at manggagawa. Kasalukuyan ding pinapaunlad ng DOT ang visitor experience sa pamamagitan ng mga programa at inisyatiba, gaya na lang ng tourist rest areas na itatatag sa iba’t ibang bahagi ng bansa na mayroong clean restrooms, lounge area, complete information about tourist destinations, at pasalubong centers. Nakikipagtutulungan na rin ang DOT sa iba pang ahensya upang matiyak ang kaligtasan at seguridad ng mga turista.
Hindi maikakaila ang magandang epekto ng turismo sa bansa. Sa katunayan, iniulat ng DOT na higit sa P480 billion ang naipasok na kita nito sa Pilipinas noong 2023.
Sa patuloy na pagpapalakas ng administrasyong Marcos sa tourism sector, inaasahang mas maraming trabaho ang malilikha para sa mga Pilipino at mas tatatag ang ekonomiya ng bansa.