Kasabay sa pagtitiyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na handa ang lahat ng ahensya ng pamahalaan sa matinding tag-ulan, nagpaabot ng tulong ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga pamilyang naapektuhan ng bagyong Aghon.
Batay sa ulat, tinatayang umabot sa 94 na barangay, 8,900 na pamilya, at 15,800 na indibidwal ang apektado sa pananalasa ng bagyong Aghon sa anim na rehiyon.
Dahil dito, higit sa P1.2 million ang ipinamahaging humanitarian assistance ng DSWD para sa kanila.
Naglaan din ng halos 25,000 family food packs ang ahensya sa mga apektadong rehiyon, kabilang na ang Bicol, Central Visayas, at Eastern Visayas.
Nagbigay naman ang pamahalaan ng relief package na may lamang hygiene kits at iba pang pangangailangan bilang suporta sa mga pamilyang nawalan ng tirahan dahil sa bagyo.
Pagtitiyak ni DSWD Assistant Secretary for Disaster Response and Management Group (DRMG) at spokesperson Irene Dumlao, mahigpit na binabantayan ng ahensya ang mga lugar na apektado ng bagyo at regular na nakikipag-ugnayan sa mga kinauukulang lokal na pamahalaan para sa agaran at naaangkop na tulong.
Nauna rito, inihayag ni Pangulong Marcos ang pagpapatupad ng whole-of-government approach sa paghahanda sa matinding tag-ulan.
Ayon sa pangulo, kailangan ang pinagsama-samang puwersa at pagkakaisa upang malagpasan ang lahat ng pagsubok na kinakaharap ng bansa.