Palalakasin pa ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga aksyon upang malabanan ang terrorism financing sa bansa. Ito ay sa pamamagitan ng pagpapatupad ng ilang direktiba upang mapigilan ang pagpasok ng pondo mula sa ibang bansa na ginagamit ng mga teroristang grupo sa kanilang mga ilegal na aktibidad.
Noong June 2021, inilabas ng global money laundering and terrorist financing watchdog na Financial Action Task Force (FATF) ang kanilang “grey list” kung saan kabilang ang Pilipinas.
Tumutukoy ang grey list sa jurisdictions na may increased monitoring. Ang mga bansang kabilang dito ay gumawa ng commitment na tugunan ang strategic deficiencies sa pagsugpo ng money laundering, proliferation financing, at terrorist financing.
Mayroong natanggap na 18 action plan items ang Pilipinas upang malutas ang grey list status nito. Sa kasalukuyan, mayroong natitirang 8 action plans ang bansa na kinakailangang sundin.
Target ni Pangulong Marcos na tuluyan nang matanggal ang bansa mula sa grey list pagsapit ng October 2024, kaya naman inatasan niya ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) at lahat ng kinauukulang ahensya na tapusin agad ang natitirang action plans at pabilisin ang mga hakbang dito.
Kaugnay nito, sinabi ni AMLC Executive Director Matthew David na mayroong tatlong action items ang konseho upang tuluyang masugpo ang pagpopondo sa terorismo.
Una, makikipagtulungan ang AMLC sa law enforcement agencies upang matukoy ang persons of interest o mga posibleng terrorism financers.
Ikalawa, iimbestigahan ng mga ahensya ang terrorism financial activities.
At ikatlo, sasampahan na ng mga kaukulang kaso ang mga napatunayang sangkot sa pagpopondo ng terorismo.
Sa katunayan, mayroon nang mga organisasyon na nasampahan ng kaso dahil sa terrorism financing. Ayon kay Atty. David, naka-pending na ito sa korte.
Sinisikap ng administrasyon ni Pangulong Marcos na hindi maging laundering site para sa mga ilegal na aktibidad ang Pilipinas sa pamamagitan ng pagpapabilis at pagpapaigting ng mga aksyon kontra rito.