Patuloy na nagsisikap ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang mabilis na mapababa ang presyo ng mga bilihin.
Ito ang naging pahayag ng National Economic and Development Authority (NEDA) matapos na lumabas ang resulta ng isang survey mula sa OCTA Research kung saan naipakitang 75% ng mga Pilipino ang hindi nasisiyahan sa pagtugon ng pamahalaan sa inflation.
Ayon kay NEDA Secretary Arsenio Balisacan, pinabibilis ng administrasyong Marcos ang mga aksyon upang makontrol ang presyo ng mga pangunahing bilihin tulad ng bigas, sa gitna ng nararanasang El Niño phenomenon at pagtaas ng presyo nito sa pandaigdigang merkado.
Dagdag pa ng kalihim, gumagawa ang pamahalaan ng mga mahahalagang hakbang pagdating sa foreign direct investments na lilikha ng mas maraming trabaho na may malaking kita at magpapataas sa purchasing power ng mga Pilipino.
Pagbibigay-diin ni Sec. Balisacan, simula ng termino ni Pangulong Marcos noong 2022, unti-unting nakakabawi ang ekonomiya ng bansa mula sa naitalang 9.5% gross domestic product (GDP) contraction noong 2020.