Tiniyak ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa publiko na maibabalik na ang suplay ng kuryente sa mga lugar na apektado ng bagyong Aghon.
Ayon sa Department of Energy (DOE), inaayos na ng power distributors at local government units (LGUs) ang mga nasirang power lines.
Sa isang virtual press conference sa DOE, ibinahagi ni Energy Undersecretary Felix William Fuentebella na binabantayan na ng Task Force on Energy Resiliency ang mga bumabalik na power plant. Aniya, kailangan ito ma-synchronize o sumabay sa mga linya ng kuryente.
Siyam na planta ng kuryente ang naapektuhan ng bagyong Aghon na naging sanhi sa pagsasara ng kanilang kapasidad sa pagsu-suplay ng kuryente.
Bagamat inaasahang bubuti na ang suplay nito sa mga susunod na araw, hinikayat pa rin ng DOE ang publiko na magtipid sa kuryente upang mabawasan ang paggamit ng mas mahal na oil-based power plants.
Kaugnay nito, namahagi ng relief package na may lamang food packs, hygiene kits, at iba pang pangangailangan ang administrasyon ni Pangulong Marcos para sa mga pamilyang nasalanta ng bagyo.