HUMAKOT ng pinakamaraming suporta mula sa mga taga-Mindanao si Partido Federal ng Pilipinas (PFP) standard-bearer Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos sa pinakabagong Kalye Surveys sa Southern region.
Sa latest survey ng Bugwak TV sa Butuan City, Gingoog, Misamis Oriental, at Surigao City, nakasungkit si Marcos ng mataas na puntos nang pagsang-ayon mula sa working class bilang ibobotong Pangulo sa halalan sa Mayo 2022.
Walang kapagod-pagod na nilibot ng Bugwak vloggers ang mga lansangan at matataong lugar tulad ng mga palengke, bus terminal at pasyalan kung saan ipinakita ang mga larawan ng mga kandidato sa pagka-Pangulo at tinanong ang mga tao kung sino ang ‘bet’ nilang Presidente.
“Pinaka-da dest sa pagka-presidente ng ating nasyon si Bongbong. Kwalipikado,” pahayag ng isang natanong na mga kawani ng gobyerno.
“Lahat kami dito, Bongbong. Wala nang iba, Bongbong lang,” sagot naman ng isang security guard na nakatalaga sa ilang pamilihan.
“May klarong programa, ‘di lang para sa bayan niya kundi sa buong Pilipinas. May political will. Siya ang pinaka-qualified, hindi lang pansariling interes ang iniisip niya,” wika naman ng isang tricycle driver mula sa Gingoog.
Sinasabing ang tanging misyon ni Marcos ay ang magkaroon ng mapagkaisang lider ang bansa upang gabayan ang pagbangon ng ating ekonomiya mula sa kasalukuyang suliranin hanggang sa post-COVID-19 kung saan kinakailangan ang pagtutulungan ng bawat isa kasama ang pamahalaang may malasakit at kaalaman para sa pagbuo ng programa na magiging solusyon sa hinaing ng bawat Pilipino.
Samantala, ayon naman sa kampo ni Marcos, ang resulta ng nasabing Kalye Surveys ay nagpapatibay at pagpapatunay sa resulta ng naunang presidential survey ng PUBLiCUS Asia Inc. kung saan nakakuha naman si Marcos ng mataas na 62.5 percent ng mga boto sa Mindanao.