Naniniwala ang isang Political Analyst na bahagi lamang ng kampanya para sa 2025 midterm elections ang word war sa pagitan nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. At dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Matatandaang sa campaign rally ng alyansa para sa Bagong Pilipinas, ibinida ni Pangulong Marcos na walang bahid ng dugo mula sa tokhang ang kanyang mga pambato, malinis ang track record at mga mambabatas, opisyal at gabineteng mayroon nang mayamang karanasan sa serbisyo-publiko.
Bilang tugon, dinepensahan naman ng mga kandidato ng PDP-Laban ang kani-kanilang track records kasabay ng muling pagbanat ni dating Pangulong Duterte na drug user si Pangulong Marcos.
Ayon kay Atty. Edward Chico, ito ang unang pagkakataon na aktibo sa pangangampanya ang kasalukuyang Presidente para i-promote ang kanyang mga kandidato sa midterm elections, at hindi ito ginawa noon nina dating Pangulong Duterte at Benigno Aquino III.
Bagama’t inaasahan na aniya ang word war sa pagitan ng dalawa, hindi niya nakikitang higit pa ito sa usapin ng pangangampanya. – Sa panulat ni Laica Cuevas