Handang makipag-usap si Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos sa Moro Islamic Liberation Front o MILF.
Ayon kay Marcos, isa-isa niyang ipapaliwanag sa liderato ng MILF kung bakit niya pinalitan ang maraming probisyon sa draft Bangsamoro Basic Law.
Sinabi ni Marcos na naunawaan niya kung bakit sinabi ng MILF na walang kaluluwa ang substitute BBL.
Sa ilalim aniya ng orihinal na panukalang batas, tanging ang MILF ang hahawak sa lahat ng posisyon at magpapatakbo sa bubuuing bagong Bangsamoro Basic Entity.
Gayunman, sa binuo niyang substitute BBL, lahat ng sektor na may interes sa Mindanao o sa bahagi ng ARMM ay bibigyan ng pagkakataong maging kinatawan sa parliyamento.
“Ang talagang gusto nila ay bumalik tayo sa draft BBL, sinabi nila na ang batas na ito’y walang kaluluwa, hindi naman ako papayag na ganun ang description ng batas dahil isinama nga namin lahat ng mga involve at stakeholders imbes na isang grupo lamang, kaya sa palagay ko mas nadagdagan ng buhay ‘yung magiging sistema ng gobyerno sa Bangsamoro Autonomous Region.” Ani Marcos.
Samantala, kumbinsido si Marcos na kayang ihabol ng senado ang pagpasa sa BBL sa kabila ng maraming trabahong nakalinya tulad ng pagpasa sa national budget.
Ang problema lamang aniya ay kung kakayanin pa ng COMELEC na ihabol ang plebisito sa nakatakdang eleksyon sa 2016.
“Sa palagay ko ay maaari pa rin naman, ‘yun lamang ay nagiging magulo ng konti kasi papasok na din tayo sa campaign period so dagdag ito sa COMELEC dahil magkakaroon ng plebisito, ang hinihingi nga nila 6 na buwan, eh kung matapat ‘yung pagkuha ng voter’s list sa eleksyon sa kampanya, hindi ko na lang alam kung kakayanin ng COMELEC, at napakalaking trabaho ‘yan.” Paliwanag ni Marcos.
By Len Aguirre | Kasangga Mo Ang Langit