Tikom pa rin ang bibig ng Commission on Elections (COMELEC) kaugnay sa paratang ng kampo ni Vice Presidential candidate Bongbong Marcos kaugnay ng kanyang akusasyon laban sa katunggaling si Camarines Sur Representative Leni Robredo.
Sa isang ambush interview, sinabi ni COMELEC Spokesman James Jimenez na pinag-aaralan na nila ang nilalaman ng reklamo ni Marcos.
Samantala, mistulang hinamon naman ni COMELEC Commissioner Rowena Guanzon si Marcos na magprisinta ng mga ebidensiyang magpapatunay ng umano’y pandaraya sa kanyang boto.
Nag-ugat ang reklamo ng kampo ni Marcos kaugnay ng mahigit sa 200,000 botong lamang sa kanya ni Robredo, base sa partial at unofficial count ng PPCRV.
Marcos camp
Duda ang kampo ni Senador Bongbong Marcos kung paano umabot sa 95 percent ng total clustered precincts ang nakuhang elections returns ng PPCRV.
Ayon kay Atty. Francesca Huang ng Marcos’ legal team, nakumpirma kasi nila na ilan sa mga vote counting machine ay hindi pa nakakapag-transmit ng boto sa local board of canvassers kaya paano raw na umabot sa 100 percent ang election returns sa ilang bayan at probinsya sa bansa.
Dahil dito, tinatanong ngayon ng kampo ni Marcos sa COMELEC kung paano nai-upload sa transparency server ang mga election return mula sa mga lugar na hindi naman nakapag-transmit ng boto sa mga munisipyo.
Una nang iginiit ni marcos na dapat itigil ng PPCRV ang pagpapalabas ng partial unofficial count lalo’t nagsimula na ang official canvassing ng COMELEC.
Isa ring pasabog ang isiniwalat ng kampo ni Senador Bongbong Marcos.
Sa press conference kahapon, sinabi ni Atty. Francesca Huang, na alas-7:30 ng gabi noong Lunes, Mayo 9, mayroon umanong hash code o bagong script ang ipinasok sa transparency server ng COMELEC na siya ring server kung saan kumukuha ng datos ang PPCRV.
Hindi naman maipaliwanag ng kampo ni Marcos kung ano ang epekto ng bagong hash code na ito.
Pero, kahina-hinala aniya na matapos maipasok ang hash code na ito sa transparency server ng COMELEC Lunes ng gabi, nagsimula nang tumaas ang numero ni Camarines Sur Representative Leni Robredo hanggang sa maungusan na nito si Marcos.
Kinumpirma ni Atty. Huang na isang technical observer sa PPCRV ang nagtimbre sa kanila ng pagpasok ng bagong hashcode sa server ng poll body.
By Meann Tanbio | Allan Francisco (Patrol 25) | Jonathan Andal (Patrol 31)